Monday, July 21, 2025

 

Benigno V. Aldana National High School, Pozorrubio, Pangasinan:

The School with  a  Series of Names

 

By: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

 

The name of Benigno V. Aldana National High  School (BVANHS), Pozorrubio, Pangasinan went through a series of changes.

In 1948, the “Junior” in the school’s name, Pozorrubio Junior High School, was already dropped. The Parliament Bill No. 1023 authored by former Assemblyman Roque R. de Guzman of Region 1 paved the school’s nationalization on November 12, 1982 by virtue of Batas Pambansa 252, thereby, it was renamed from Pozorrubio High School to Pozorrubio National High School.

By virtue of Batas Pambansa 807, Pozorrubio National High School was again renamed to Benigno V. Aldana National Memorial High School on April 27,1984. It was subsequently named in the honor of a prominent Pozorrubian, educator and Director of the Bureau of Public Schools, Benigno V. Aldana who was born on November 19, 1898 in Pozorrubio, Pangasinan. Prior to the passage of Batas Pambansa Blg. 252, the Bill was sponsored by former Congressman Tony Villas through the initiative of DECS Head Executive Assistant Lucio B. Fernandez. Behind the renaming of Pozorrubio National High School to Benigno V. Aldana National Memorial High School were to two equally distinguished Pozorrubians, namely, Dr. Florencio M. Buen, Provincial Schools Superintendent of Pangasinan, and Dr. MInda Cascolan Sutaria, Assistant Director, Bureau of Elementary Education.

Not long after, the word “Memorial” was dropped from Benigno V. Aldana National Memorial High School on August 12, 1994 under Sangguniang Bayan of Pozorrubio Resolution No. 103, s. 1994. Hence, the school’s name, Benigno V. Aldana National High School, remains until to this day.

 

 

 

F. Sionil Jose, Dakilang Manunulat Mula Rosales, Pangasinan

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

            Kilala ba ninyo si F. Sionil Jose? Hindi lahat ng mga taga-Pangasinan ay kilala si Ginoong Jose. Gaya ng karamihan ay hindi ko rin kilala si Ginoong Jose sa umpisa pero salamat sa social media at nakilala ko siya. Nagkataon kasi na may nagbebenta sa kanyang aklat sa isang grupo ng mga naglalako ng mga segunda-manong libro sa Facebook at nakabili ako ng isa. Pagtanggap ko sa libro na sinulat ni F. Sionel Jose ay doon ako nabigla at nalaman na taga-Rosales, Pangasinan pala siya. Mula noon kapag may nagbebenta ng kanyang aklat sa social media ay agad kong binibili basta kaya ng badyet.

Para sa kaalaman ng lahat, narito ang mga iba pang impormasyon tungkol sa buhay ni F. Sionil Jose.

Isa siyang sikat na manunulat sa Wikang Ingles at isang National Artist of the Philippines for Literature na ipinagkaloob sa kanya noong 2001. Siya ay isinilang noong ika-3 ng Disyembre 1924 at namatay noong ika-6 ng Enero 2022 sa edad na 97. Bata pa lamang siya ay kinahihiligan na talaga niya ang magbasa at isa sa naging inspirasyon niya sa pagsusulat ay walang iba kundi si Jose Rizal. Kaya sa kanyang obra maestra na Rosales Saga na binubuo ng limang tomo ay mula sa tema at tauhan ni Jose Rizal ng : Po-on (Source) (1984); The Pretenders (1962); My Brother, My Executioner (1973); Mass (1974); at Tree (1978). Ang mga limang nobela na ito ay isinalin sa 22 na mga wika.

Narito pa ang iba pang mga kilalang nobela na kanyang isinulat: Sin (1973); Ermita (1988); Gagamba (The Spider Man) (1991); Viajero (1993); Ben Singkol (2001); Vibora! (2007); Sherds (2008); Muse and Balikbayan: Two Plays (2008); The Feet of Juan Bacnang (2011). Narito naman ang mga maikling kuwento na kanyang isinulat: Platinum: Waywaya: Eleven Filipino Short Stories (1980); Ten Filipino Stories (1983); Olvidon and Other Stories (1988); Puppy Love and Thirteen Short Stories (1998); at The God Stealer and other Stories (2001).

Tunay ipinagmamalaki natin si F. Sionil Jose bilang isang Pangasinense dahil sa mga karangalan na kanyang mga natanggap gaya ng: Carlos Palanca Memorial Award for Literature (1959, 1979, 1980, 1981); Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts (1980); Chevalier dan I’Ordre des Arts et Letters (2000) at Pablo Neruda Centennial Award (Chile) (2004).

Masasabi natin na siya ay isa sa mga Filipinong manunulat na naabot ang kanyang katanyagan hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi pati sa ibayong dagat.  Bilang pagkilala at pagtangkilik sa  kanyang mga isinulat ang kanyang mga panulat ay isinalin sa 28 na wika gaya ng Korean, Indonesian, Czech, Dutch, Latvian, Russian, at Ukranian.

Kaya nga isa siya sa mga natatanging Pangasinense na itinatampok sa Banaan Museum (Pangasinan Provincial Museum). Ngayon at kilala natin siya ay umpisahan na rin na bumili at magbasa ng kanyang mga isinulat. Malay natin baka kayo ay isa sa mga magmamana ng kanyang katalinuhan sa pagsusulat. Wala itong imposible basta may pananalig tayong makamit ang ating pangarap sa buhay.

 

Mga Libangan Bilang Pantanggal Stress

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

Sino ang hindi pa nakakaranas ng stress sa kanyang buhay? Bilang isang normal na tao, kakambal na natin  sa  ating buhay ang stress.  Ano nga ba ang stress? Ang stress ay mga bagay-bagay o sitwasyon na nagdudulot sa atin ng bagabag sa normal na daloy ng ating buhay. Maaaring ito ay pisikal, mental o emosyonal na stress. Ang pagkakasakit ay isang uri ng pisikal na stress. Ang kawalan ng pera ay isang  uri ng mental na stress. Ang pag-aaway o paghihiwalay ng mag-kasintahan o mag-asawa ay isang emosyonal na stress. Lahat tayo ay nakakaranas nito.

Paano natin malalabanan o mababawasan ang stress sa buhay natin? Bilang isang guro, normal na sa amin ang makaranas ng stress araw-araw. Sa bawat pagharap namin sa aming mga estudyante sa bawat klase ay hindi namin maiwasan ang magalit o mapagsabihan ang ating mga mag-aaral dahil hindi mo maiiwasan na sadyang may mga bata talaga na sadyang makukulit o matitigas ang ulo. Dahil may Child Protection Policy, dapat cool lang tayo na mga guro.

Ako bilang isang guro ang mabisang paraan para maibsan ang stress sa aking buhay ay ang pagkakaroon ko ng hobby o libangan. Ang libangan na ito ay nakakatulong  sa akin hindi lamang malabanan ang stress kung hindi nakakatulong din ito sa aking pagtuturo. Ito ang mga libangan na maaari ninyo gayahin:

Philately- ito ay pangongolekta ng selyo. Maliit man na papel ito na ginagamit natin sa paghuhulog ng sulat sa post office ay may mga kaalaman din tayong matutunan tungkol dito. Matutunan natin sa pamamagitan nito ang kasaysayan at kultura ng isang bansa. Makakakilala ka rin ng mga iba’t ibang uri tao gaya ng mga hari at reyna, mga presidents, mga siyentista, mga mang-aawit, mga dakilang kompositor, mga iba’t ibang hayop, mga naggagandahang pasyalan o tanawin. Halos lahat ay makikita mo na sa mga selyo.

Deltiology- ito naman ay pangongolekta ng postcards. Kakambal ng selyo ay ang postcard. Ito ay ginagamit sa mga maiikling mensahe lamang na pinapadala sa post office. Gaya ng selyo, halos kapareha nito ang mga inilalagay na tema sa harapan ng bawat postcard. Alam ba ninyo na si Dr. Jose Rizal ay gumagamit din ng postcard sa kanyang pakikpag-ugnayan sa kanyang kaibigan dito sa Pilipinas o sa ibayong dagat?

Numismatics- ito naman ay pangongolekta ng mga papel na pera o barya. Nagtataglay rin ito ng kaalaman tungkol sa kasaysayan o kultura ng isang bansa. Ang tema nito ay kagaya rin selyo o postcard pero limitado lamang ang mga bagay-bagay, tanawin, hayop o mga tao ang inilalagay sa mga pera at barya.

Ito ang mga ilang lamang sa mga sikat na libangan na kinokoleta ng mga kolektor sa iba’t ibang bansa. Kung ano ang iyong hilig sa buhay ay pwede mong gawin bilang libangan para maibsan o mabawasan ang stress na iyong nararamdam sa bawat araw. Ang mahalaga ay mapanatili natin ang masayang pamumuhay sa likod ng maraming stress na nakapaligid sa atin sa araw-araw.

Mayroon na ba kayong napili na mapaglilibangan sa buhay? Para humaba pa ang ating buhay mamili ka na ng hobby na pang habang-buhay ang taglay!

 

 

 

 

Postcard Bilang Kasangkapan sa Pagtuturo

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Bilang guro naranasan mo na bang gumamit ng postcard sa iyong pagtuturo?

Ano ang postcard? Ang postcard ay isa sa mga pangunahing libangan ng mga tao sa buong mundo maliban sa philately at numismatics. Mga karaniwan na makikita na imahe sa harapan ng postcard ay mga larawan ng magagandang pasyalan, mga kilalang tao gaya ng mga hari at reyna, president, mga bayani, siyentista, kompositor, mga artista at iba pa. Makakakita ka rin ng mga iba’t ibang uri ng hayop, mga halaman at puno at marami pang iba. Sadyang nakakaaliw ang mangolekta nito lalo na kapag may mga kamag-anak kayo na nagtatrabaho sa abroad. Pwede kang humingi sa kanila nito at padalhan ka nila nito.

Bilang isang guro ay matagal na akong gumagamit ng postcard sa mga asignaturang aking tinuturuan. Masasabi ko na mabisa ang paggamit ng postcard sa pagtuturo. Mabisa itong gamit sa pagtuturo ng kasaysayan  dahil taglay ng postcard ang mga tema gaya ng mga makasaysayang lugar, magagandang tanawin, mga bayani, mga president, mga hari at reyna, at iba pang mga tema na may kaugnayan sa kasaysayan.

Sa pagtuturo ng asignaturang Science, pwede kang magpakita ng mga larawan ng mga siyentista, mga iba’t ibang uri ng hayop, tanim, at mga bagay-bagay na makikita natin sa ating paligid o sa dagat. Maging ang mga planeta at kalawakan ay makikita rin natin sa postcard.

Sa pagtuturo ng TLE, inilalarawan din sa postcard ang mga pagkain at recipe, iba’t ibang uri ng hanapbuhay, mga gamit sa kusina at iba pang may kaugnayan sa asignaturang ito.

Sa pagtutro naman ng MAPEH, makakakita ka din ng postcards na nagpapakita ng iba’t ibang laro, mga sikat na atleta, mga kagamitan sa paglalaro, mga iba’t ibang uri ng instrumenting pangmusika.

Sa pagtuturo naman ng mga asignaturang Filipino at Ingles, inilalarawan din sa postcard ang mga dakilang manunulat ng ating kasaysayan at makabagong henerasyon gaya ni Dr. Jose Rizal at ang kanyang mga obra maestra gaya ng Noli Me Tangere at  El Filibusterismo. Sa pagsusulat ng malikhaing gawa, pwedeng ipagamit ang likod ng postcard sa paglikha nila ng tula o written poetry. Pwede pa rin nating buhayin ang pagpapalitan ng sulat sa ating kapwa kahit na halos lahat ay gumagamit na ng messenger sa kanilang Facebook account. Mas matagal ang buhay ng postcard kaysa sa messenger dahil pwede mong itago ang postcard sa habang panahon pero ay messenger sa FB ay pwedeng mong mabura at matabunan ang mga mensahe na iyong sinulat.

Halina at gumamit uli tayo ng postcard sa pagtuturo!

 

 

 

Ang Paglalakbay Bilang Tulay sa Pagtuturo

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Mahilig ba kayong maglakbay? Hanggang saan na ba ang narating ninyo sa Pilipinas?

Alam ba ninyo na ang pagiging manlalakbay natin at bilang isang guro ay napakalaking tulong nito sa ating pagtuturo?

Masaya ang maglakbay. Halos bahagi na ang buhay natin ang maglakbay. Araw-araw tayo ay sumasakay sa traysikel, dyip, at bus. Dito pa lamang ay marami ka nang mapapansin mula sa kalsada hanggang sa loob ng iyong sinasakyan. Maging mapagmatyag lamang sa iyong paligid at may matutunan ka sa iyong pagmamasid. Magagamit natin ang pagmamasid bilang kasangkapan sa pagsusulat gamit ang paglalarawan.

Ang paglalarawan ay isang estratehiya na ginangamit sa pagsusulat na ginagamitan natin ng ating mga pandama. Halimbawa bilang pagsasanay sa pagsusulat ng sanaysay ay pwede mong ipalarawan sa mga mag-aaral ang isang lugar na kanilang napuntahan na gaya ng Siyudad ng Baguio, Siyudad ng Vigan at iba pang mga lugar na kanilang napuntahan. Hindi na mahirapan pa sa pagsusulat ang mga mag-aaral dahil pwede na nilang ikuwento ang kanilang karanasan sa pamamasyal sa isang lugar.

Habang tayo ay naglalakbay ay makakasalamuha tayo ng iba’t ibang tao. Ang mga kapwa pasahero mo sa loob ng sasakyan ay pwede mong maging tauhan sa iyong maikling kuwento. Bawat pasahero ay may kuwento sa kanilang buhay. Ang kaunting pagpapakilala mo sa kanila at ang kaunting kaalaman tungkol sa kanilang buhay ay pwede mong magamit sa hinaharap. Kailangan mo lang ang pagpapakilala sa kanila.  Makipagkuwento ka sa kanila at mula dito ay dadaloy na ang mga impormasyon tungkol sa buhay at karanasan sa buhay. Maaari kang makasabay na pasahero na dayo pala sa inyong lugar. Maaaring ang bagong kakilala mo na ito ay  galing pa pala sa Mindanao at napadpad lang sa inyong lugar dahil sa hirap ng buhay sa lugar nila at kailangan niya na makipagsapalaran sa buhay o kaya ay nakapag-asawa siya ng iyong kababayan. Baka pwedeng maging materyales ito sa pagsusulat mo ng isang maikling kuwento.

Kapag kayo naman ay napasama sa isang field trip, huwag lang puro kasiyahan ang iyong inaatupag. Para maging kapakipakinabang ang iyong pagsali sa gawain na ito ay magdala ka ng kamera at idokumento ang iyong paglalakbay. Ang pagkuha ng larawan ng mga tao sa lugar o kaya mga tanawin ay sadyang napakagandang ebidensiya at patunay ito na hindi mo lamang gawa-gawa ang mga kuwento sa buhay mo. Di ba mas kapakapaniwala na mayroon kang larawan na ipapakita sa iyong klase at mas marami ka pang maibabahagi na hindi nakasulat sa kanilang libro. Gaya halimbawa ng Hanging Coffins ng Sagada akala ko sa bangin talaga nakasabit ang mga kabaong pero ang katotohanan ay nakasabit lang pala sila sa gilid ng bundok at pwede mo palang mahawakan ang ibang mga kabaong.

Kaya ano pa ang iyong hinihintay, tayo na at umpisahan na natin ang maglakbay!

 

 

Karanasan Bilang Tulay sa Pagsusulat

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Mahilig ba kayong magsulat ng isang maikling kuwento o nobela?  Ang pagsusulat ay isang kasanayan na hindi ganoon kadaling angkinin nino man. Ito ay bunga ng mahabang proseso. Hindi ito kayang makamit sa isang upuan laman. Ito ay bunga ng mahabang panahon nang pagsasanay gamit ang utak, damdamin at determinasyon.

Ang pagiging isang magaling na manunulat ay bunga ng mahabang karanasan. Ang kanilang obra maestra na panulat ay bunga ito ng kanilang mahabang pagsasanay gamit ang buhay na alaala ng nakaraan. Humuhugot ang bawat manunulat sa kanilang karanasan sa nakaraan upang mabuo ang kuwento sa likod ng mga tauhan na likhang isip nila. Hindi man sila nauugnay sa mga totoong tao pero taglay ng bawat tauhan sa kuwento ang katauhan ng isang tunay na tao. Sila ay nabibigyan ng buhay ng bawat manunulat.

Hindi lamang sapat sa mga manunulat ang kaalaman sa iba’t ibang bahagi ng kuwento. Bawat manunulat ay alam ang katangian at bahagi ng isang maikling kuwento o nobela pero hindi sila ganoon kadali na magsulat ng isang kuwento dahil hindi lahat ay biniyayaan ng kasanayan sa pagsusulat.

Alam ba ninyo na ang pangunahing sangkap sa pagsusulat ay dapat nagtataglay ka ng isang malawak na karanasan. Ang karanasan na ito ay maaaring karanasan mo mismo bilang isang tao at karanasan mismo ng inyong mga mahal sa buhay, kamag-anak, kapitbahay, mga kaklase o karanasan ng kahit sino. Kapag pinagtagpi-tagpi mo ang mga iba’t ibang karanasan ng mga taong iyong nakahalubilo ay makakabuo ka ng isang magandang kuwento ng buhay. Nagbibigay buhay sa mga tauhan sa iyong kuwento ay ang pagpapakita ng iba’t ibang emosyon ng bawat tauhan sa kuwento na sila rin ay marunong masaktan, tumawa, magalit, magpatawad at mangarap sa buhay.

Ang mga dakilang manunulat ay humuhugot sila sa kanilang karanasan mismo o sa kanilang pagmamasid sa kanilang kapaligiran. Ang mga karanasan natin sa buhay gaya ng kahirapan, salot, digmaan, at kalamidad ay maaaring tema sa iyong pagsusulat ng isang obra maestra. Dito humuhugot ng kanilang inspirasyon sa pagsusulat ng mga dakila nating mga manunulat.

Kaya kung nanaisin mo na maging isang mahusay na manunulat sa hinaharap kailangan mong mag-ipon ng sapat na karanasan sa buhay para makabuo ka rin ng mga kuwento na hango mismo sa iyong karanasan   o karanasan ng iba. Para mapaghusay mo pa ang pagsusulat kailangan mo rin ng mahabang pasensiya sa pagbabasa ng iba’t ibang kuwento ng mga  manunulat dahil makakapulot ka rin ng ideya kung paano bubuhayin ang bawat tauhan sa iyong kuwento na mag-iiwan ng tatak sa bawat magbabasa ng iyong kuwento. Kaya tatanggapin natin ang bawat karanasan natin sa buhay maganda man ito o isang bangungot ay magagamit at magagamit pa rin natin ito bilang dagdag sustansiya sa masalimuot na kuwento ng buhay manunulat.

 

 

Selyo  Bilang Gamit Sa Pagtuturo

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Alam ba ninyo ang selyo? Ito ang katanungan ko minsan sa aking mga estudyante. Halos lahat sa kanila ay hindi alam kung ano ang selyo. Ito marahil ang epekto ng social media na hindi na halos pinapansin ang pagpapadala ng sulat sa post office para maghulog ng sulat at dinadaan na lang sa text messages o kaya sa FB messenger ang kanilang mga mensahe sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kamag-anak o mga kaibigan na nasa malalayong lugar o ibayong dagat.

Para sa kaalaman ng lahat, ang selyo o stamp sa Ingles ay isang maliit na papel lamang pero taglay nito ang kasaysayan at kultura ng bawat bansa na gumagamit nito.

Tinatawag ang kauna-unahang selyo na Penny Black na inilabas sa publiko sa Bansang Inglatera noong ika-6 ng Mayo, 1840. Si Sir Rowland Hill, isang guro, ang nagdisensyo nito. Kaya tinatawag na  Penny Black dahil ang kulay nito ay itim. Ang disensyo nito ay inilalarawan  ang batang reyna na si Reyna Victoria. Dito na umusbong ang paggamit ng selyo mula sa bansang Inglatera hanggang ginamit na din ng lahat ng bansa sa buong mundo.

Alam ba ninyo na sa Asya, ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na gumamit ng selyo. Pagkatapos ng ika-labin-apat na taon mula sa unang paglabas ng selyo sa mundo, inilabas ang unang selyo ng Pilipinas sa Panahon ng mga Kastila noong ika-1 ng Pebrero, 1854. Taglay ng selyo na ito ang mukha ni Reyna Isabella II ng Espanya.

Kaya masasabi natin na sa selyo malalaman natin ang kasaysayan ng isang bansa pati na rin ang mayaman na kultura nito. Pinapakita sa selyo ang iba’t ibang larawan ng mga tao gaya ng mga president, mga bayani, mga imbentor, mga manlalaro, at iba pa. Pati mga iba’t ibang mga hayop gaya mga ibon, isda,  aso, pusa, insekto,  paru-paro, elepante, tigre, leon at halos lahat ng mga hayop sa mundo ay makikita natin sa maliit na selyo na ito. Ipinapakita rin nito ang mga gusali, hanap-buhay, mga uri ng sasakyan, mga bundok, mga anyong tubig, kalawakan, mga planeta, mga manlalakbay sa kalawakan, paglubog ng Titanic, pagsabog ng isang bulkan, pagbagsak ng isang sibilisasyon o nasyon, pagluluklok ng isang bagong halal na presidente ng isang bansa, mga iba’t ibang gusali, desyerto, at iba pa.

Maliban sa gamit nito para pang-hulog sa isang sulat, ang selyo ay isang mabisang gamit din sa pagtuturo. Kung ikaw ay guro ng kasaysayan, maaari mong gamitin sa pagtuturo ng heyograpiya, kasaysayan ng buong mundo, at mayamang kultura ng bawat bansa gaya ng kanilang mga piyesta, paniniwala, mga lider ng simbahan o lipunan.

Kung ikaw naman ay nagtuturo ng asignaturang Filipino at Ingles, maaari mong gamitin ito sa pagtuturo ng Panitikan dahil inilalarawan din nito ang mayamang panitikan ng isang bansa, mga dakilang manunulat nito, pati mitilohiya, at iba pang mga uri ng pamitikan ay ipinapakilala sa selyo.

Kaya ano pa ang inyong hinihintay, magsimula nang mangolekta ng selyo sa tulong ng inyong mga kamag-anak at kaibigay mula iba’t ibang bansa!