Monday, July 21, 2025

 

Selyo  Bilang Gamit Sa Pagtuturo

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Alam ba ninyo ang selyo? Ito ang katanungan ko minsan sa aking mga estudyante. Halos lahat sa kanila ay hindi alam kung ano ang selyo. Ito marahil ang epekto ng social media na hindi na halos pinapansin ang pagpapadala ng sulat sa post office para maghulog ng sulat at dinadaan na lang sa text messages o kaya sa FB messenger ang kanilang mga mensahe sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kamag-anak o mga kaibigan na nasa malalayong lugar o ibayong dagat.

Para sa kaalaman ng lahat, ang selyo o stamp sa Ingles ay isang maliit na papel lamang pero taglay nito ang kasaysayan at kultura ng bawat bansa na gumagamit nito.

Tinatawag ang kauna-unahang selyo na Penny Black na inilabas sa publiko sa Bansang Inglatera noong ika-6 ng Mayo, 1840. Si Sir Rowland Hill, isang guro, ang nagdisensyo nito. Kaya tinatawag na  Penny Black dahil ang kulay nito ay itim. Ang disensyo nito ay inilalarawan  ang batang reyna na si Reyna Victoria. Dito na umusbong ang paggamit ng selyo mula sa bansang Inglatera hanggang ginamit na din ng lahat ng bansa sa buong mundo.

Alam ba ninyo na sa Asya, ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na gumamit ng selyo. Pagkatapos ng ika-labin-apat na taon mula sa unang paglabas ng selyo sa mundo, inilabas ang unang selyo ng Pilipinas sa Panahon ng mga Kastila noong ika-1 ng Pebrero, 1854. Taglay ng selyo na ito ang mukha ni Reyna Isabella II ng Espanya.

Kaya masasabi natin na sa selyo malalaman natin ang kasaysayan ng isang bansa pati na rin ang mayaman na kultura nito. Pinapakita sa selyo ang iba’t ibang larawan ng mga tao gaya ng mga president, mga bayani, mga imbentor, mga manlalaro, at iba pa. Pati mga iba’t ibang mga hayop gaya mga ibon, isda,  aso, pusa, insekto,  paru-paro, elepante, tigre, leon at halos lahat ng mga hayop sa mundo ay makikita natin sa maliit na selyo na ito. Ipinapakita rin nito ang mga gusali, hanap-buhay, mga uri ng sasakyan, mga bundok, mga anyong tubig, kalawakan, mga planeta, mga manlalakbay sa kalawakan, paglubog ng Titanic, pagsabog ng isang bulkan, pagbagsak ng isang sibilisasyon o nasyon, pagluluklok ng isang bagong halal na presidente ng isang bansa, mga iba’t ibang gusali, desyerto, at iba pa.

Maliban sa gamit nito para pang-hulog sa isang sulat, ang selyo ay isang mabisang gamit din sa pagtuturo. Kung ikaw ay guro ng kasaysayan, maaari mong gamitin sa pagtuturo ng heyograpiya, kasaysayan ng buong mundo, at mayamang kultura ng bawat bansa gaya ng kanilang mga piyesta, paniniwala, mga lider ng simbahan o lipunan.

Kung ikaw naman ay nagtuturo ng asignaturang Filipino at Ingles, maaari mong gamitin ito sa pagtuturo ng Panitikan dahil inilalarawan din nito ang mayamang panitikan ng isang bansa, mga dakilang manunulat nito, pati mitilohiya, at iba pang mga uri ng pamitikan ay ipinapakilala sa selyo.

Kaya ano pa ang inyong hinihintay, magsimula nang mangolekta ng selyo sa tulong ng inyong mga kamag-anak at kaibigay mula iba’t ibang bansa!

No comments:

Post a Comment