Monday, July 21, 2025

 

Carlos S. Bulosan: Isang Dakilang Manunulat at Makata mula Binalonan , Pangasinan

            Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

                                              

Kilala ba ninyo si Carlos S. Bulosan? Alam ninyo ba na napasama ang kanyang pangalan sa 1942 na edisyon ng Who’s Who in America?

Nakilala ko lang si Carlos S. Bulosan noong nag-aaral ako sa kolehiyo  sa asignaturang Panitikang Pandaigdig. Ipinabasa sa amin ng aming propesor ang kanyang maikling kuwento na may pamagat na “My Father Goes to Court”. Dito na nag-umpisa ang aking paghanga sa kanyang mga isinulat dahil sobrang nakakaaliw habang binabasa ko ang kuwentong ito tungkol sa isang mayaman at isang mahirap na pamilya na nag-aaway tungkol sa amoy ng pagkain ng mayamang pamilya at nauwi sa demandahan sa korte. Basahin din ninyo at panigurado na kayo ay matatawa rin gaya ko. Dito ko rin nalaman na siya pala ay isinilang sa Binalonan, Pangasinan noong ika-24 ng Nobyembre 1911. Siya ay panglima sa pitong anak nina Simeon Bulosan at Martha Sampayan. Kapit-bayan pala naming siya.

Lumaki sa kabukiran at kahirapan si G. Carlos Bulosan. Kaya nga isa sa mga tema ng kanyang mga isinulat ay patungkol sa kahirapan at pakikipaglaban sa buhay. Dahil sa hirap ng buhay ay napilitan siyang dumayo at manirahan sa Estados Unidos noong ika-22 ng Hulyo, 1930 sa edad na 17. Dito siya ay nagtatrabaho bilang tagapitas ng ubas at asparagus sa California. Nagtrabaho din siya bilang tagahugas ng plato sa isang restawran kasama ang kanyang kapatid. Kapag siya ay walang ginagawa o nawalan ng trabaho iginugugol niya ang kanyang mahabang panahon sa pagbabasa sa Los Angeles Public Library at pagsusulat. Dahil hindi siya tumigil sa pagsusulat ay nahasa siya ng husto at naging isang batiking manunulat kahit na hindi man lang siya nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kahirapan ng buhay sa Amerika. Magkaganoon man hindi naging hadlang sa kanya ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral at naging puhunan niya ang kahiligan sa pagsusulat para  mabuhay ng marangal sa Amerika sa likod na nararanasang

Maliban sa pagiging abala sa pagsusulat, siya din ay aktbong nakikilahok sa kilusan ng paggawa. Dahil dito napabilang ang kanyang pangalan sa blacklist noong 1950 at nahirapan siyang makapasok at makapaghanap ng trabaho. Sa kasawiang palad siya ay nagkasakit, nahirapan sa buhay at nalolong sa pag-inom ng alak. Namatay siya sa Seattle noong ika-11 ng Setyembre, 1956  dahil sa malnutrisyon at bronchopneumonia. Inilibing siya sa Mount Pleasant Cemetery sa Seattle.

Pagkatapos ng dalawang dekana saka lamang nabigyan ng pansin ang kanyang mga obra maestra. Kung hindi dahil sa isang grupo ng mga batang Asian Americans na nakadiskubre  sa kanyang libro na America is in the Heart na unang nilimbag noong 1946 ay baka tuluyan nang makakalimutan ang mga gawa ni G. Carlos Bulosan.

Bilang pagkilala sa kanyang naimbag sa mundo ng panitikan, itinatag ang Bulosan Center for Filipino Studies Initiative noong 2018 sa University of California.

Narito ang kanyang mga nagawa at naisulat: Letter from America (1942); The Laughter of My Father (1944); America is in the Heart (1946); The Cry and the Dedication (1995); My Father’s Tragedy; The Romance of Magno Rubio; If You Want To Know What We are; and My Father Goes to Court.

            Bilang pagkilala sa kanyang ambag sa mundo ng panitikan at para hindi siya makalimutan ng mga kabataan at mamamayan sa Binalonan ay nagpatayo sila ng monumento at ipinangalan ang isang kalye sa kanya sa bayan ng Binalonon noong 1983. Idineklara rin tuwing ika-11 ng Setyembre tuwing taon ang Carlos S. Bulosan Day sa Bayan ng Binalonan. Isa rin siya sa mga natatanging Pangasinense na itinatampok sa Banaan Museum ( Pangasinan Provincial Museum).

            Para mas makilala pa natin nang lubusan si Carlos S. Bulosan tayo na at  magbasa  sa kanyang mga sinulat.

 

No comments:

Post a Comment