Monday, July 21, 2025

 

Ang Paglalakbay Bilang Tulay sa Pagtuturo

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

Mahilig ba kayong maglakbay? Hanggang saan na ba ang narating ninyo sa Pilipinas?

Alam ba ninyo na ang pagiging manlalakbay natin at bilang isang guro ay napakalaking tulong nito sa ating pagtuturo?

Masaya ang maglakbay. Halos bahagi na ang buhay natin ang maglakbay. Araw-araw tayo ay sumasakay sa traysikel, dyip, at bus. Dito pa lamang ay marami ka nang mapapansin mula sa kalsada hanggang sa loob ng iyong sinasakyan. Maging mapagmatyag lamang sa iyong paligid at may matutunan ka sa iyong pagmamasid. Magagamit natin ang pagmamasid bilang kasangkapan sa pagsusulat gamit ang paglalarawan.

Ang paglalarawan ay isang estratehiya na ginangamit sa pagsusulat na ginagamitan natin ng ating mga pandama. Halimbawa bilang pagsasanay sa pagsusulat ng sanaysay ay pwede mong ipalarawan sa mga mag-aaral ang isang lugar na kanilang napuntahan na gaya ng Siyudad ng Baguio, Siyudad ng Vigan at iba pang mga lugar na kanilang napuntahan. Hindi na mahirapan pa sa pagsusulat ang mga mag-aaral dahil pwede na nilang ikuwento ang kanilang karanasan sa pamamasyal sa isang lugar.

Habang tayo ay naglalakbay ay makakasalamuha tayo ng iba’t ibang tao. Ang mga kapwa pasahero mo sa loob ng sasakyan ay pwede mong maging tauhan sa iyong maikling kuwento. Bawat pasahero ay may kuwento sa kanilang buhay. Ang kaunting pagpapakilala mo sa kanila at ang kaunting kaalaman tungkol sa kanilang buhay ay pwede mong magamit sa hinaharap. Kailangan mo lang ang pagpapakilala sa kanila.  Makipagkuwento ka sa kanila at mula dito ay dadaloy na ang mga impormasyon tungkol sa buhay at karanasan sa buhay. Maaari kang makasabay na pasahero na dayo pala sa inyong lugar. Maaaring ang bagong kakilala mo na ito ay  galing pa pala sa Mindanao at napadpad lang sa inyong lugar dahil sa hirap ng buhay sa lugar nila at kailangan niya na makipagsapalaran sa buhay o kaya ay nakapag-asawa siya ng iyong kababayan. Baka pwedeng maging materyales ito sa pagsusulat mo ng isang maikling kuwento.

Kapag kayo naman ay napasama sa isang field trip, huwag lang puro kasiyahan ang iyong inaatupag. Para maging kapakipakinabang ang iyong pagsali sa gawain na ito ay magdala ka ng kamera at idokumento ang iyong paglalakbay. Ang pagkuha ng larawan ng mga tao sa lugar o kaya mga tanawin ay sadyang napakagandang ebidensiya at patunay ito na hindi mo lamang gawa-gawa ang mga kuwento sa buhay mo. Di ba mas kapakapaniwala na mayroon kang larawan na ipapakita sa iyong klase at mas marami ka pang maibabahagi na hindi nakasulat sa kanilang libro. Gaya halimbawa ng Hanging Coffins ng Sagada akala ko sa bangin talaga nakasabit ang mga kabaong pero ang katotohanan ay nakasabit lang pala sila sa gilid ng bundok at pwede mo palang mahawakan ang ibang mga kabaong.

Kaya ano pa ang iyong hinihintay, tayo na at umpisahan na natin ang maglakbay!

 

No comments:

Post a Comment