Monday, July 21, 2025

 

Mga Libangan Bilang Pantanggal Stress

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

Sino ang hindi pa nakakaranas ng stress sa kanyang buhay? Bilang isang normal na tao, kakambal na natin  sa  ating buhay ang stress.  Ano nga ba ang stress? Ang stress ay mga bagay-bagay o sitwasyon na nagdudulot sa atin ng bagabag sa normal na daloy ng ating buhay. Maaaring ito ay pisikal, mental o emosyonal na stress. Ang pagkakasakit ay isang uri ng pisikal na stress. Ang kawalan ng pera ay isang  uri ng mental na stress. Ang pag-aaway o paghihiwalay ng mag-kasintahan o mag-asawa ay isang emosyonal na stress. Lahat tayo ay nakakaranas nito.

Paano natin malalabanan o mababawasan ang stress sa buhay natin? Bilang isang guro, normal na sa amin ang makaranas ng stress araw-araw. Sa bawat pagharap namin sa aming mga estudyante sa bawat klase ay hindi namin maiwasan ang magalit o mapagsabihan ang ating mga mag-aaral dahil hindi mo maiiwasan na sadyang may mga bata talaga na sadyang makukulit o matitigas ang ulo. Dahil may Child Protection Policy, dapat cool lang tayo na mga guro.

Ako bilang isang guro ang mabisang paraan para maibsan ang stress sa aking buhay ay ang pagkakaroon ko ng hobby o libangan. Ang libangan na ito ay nakakatulong  sa akin hindi lamang malabanan ang stress kung hindi nakakatulong din ito sa aking pagtuturo. Ito ang mga libangan na maaari ninyo gayahin:

Philately- ito ay pangongolekta ng selyo. Maliit man na papel ito na ginagamit natin sa paghuhulog ng sulat sa post office ay may mga kaalaman din tayong matutunan tungkol dito. Matutunan natin sa pamamagitan nito ang kasaysayan at kultura ng isang bansa. Makakakilala ka rin ng mga iba’t ibang uri tao gaya ng mga hari at reyna, mga presidents, mga siyentista, mga mang-aawit, mga dakilang kompositor, mga iba’t ibang hayop, mga naggagandahang pasyalan o tanawin. Halos lahat ay makikita mo na sa mga selyo.

Deltiology- ito naman ay pangongolekta ng postcards. Kakambal ng selyo ay ang postcard. Ito ay ginagamit sa mga maiikling mensahe lamang na pinapadala sa post office. Gaya ng selyo, halos kapareha nito ang mga inilalagay na tema sa harapan ng bawat postcard. Alam ba ninyo na si Dr. Jose Rizal ay gumagamit din ng postcard sa kanyang pakikpag-ugnayan sa kanyang kaibigan dito sa Pilipinas o sa ibayong dagat?

Numismatics- ito naman ay pangongolekta ng mga papel na pera o barya. Nagtataglay rin ito ng kaalaman tungkol sa kasaysayan o kultura ng isang bansa. Ang tema nito ay kagaya rin selyo o postcard pero limitado lamang ang mga bagay-bagay, tanawin, hayop o mga tao ang inilalagay sa mga pera at barya.

Ito ang mga ilang lamang sa mga sikat na libangan na kinokoleta ng mga kolektor sa iba’t ibang bansa. Kung ano ang iyong hilig sa buhay ay pwede mong gawin bilang libangan para maibsan o mabawasan ang stress na iyong nararamdam sa bawat araw. Ang mahalaga ay mapanatili natin ang masayang pamumuhay sa likod ng maraming stress na nakapaligid sa atin sa araw-araw.

Mayroon na ba kayong napili na mapaglilibangan sa buhay? Para humaba pa ang ating buhay mamili ka na ng hobby na pang habang-buhay ang taglay!

 

 

 

No comments:

Post a Comment