Monday, July 21, 2025

 

F. Sionil Jose, Dakilang Manunulat Mula Rosales, Pangasinan

Isinulat ni: Rodrigo P. de Vera, Jr., EdD

Master Teacher I, Benigno V. Aldana National High School

Pozorrubio, Pangasinan

 

            Kilala ba ninyo si F. Sionil Jose? Hindi lahat ng mga taga-Pangasinan ay kilala si Ginoong Jose. Gaya ng karamihan ay hindi ko rin kilala si Ginoong Jose sa umpisa pero salamat sa social media at nakilala ko siya. Nagkataon kasi na may nagbebenta sa kanyang aklat sa isang grupo ng mga naglalako ng mga segunda-manong libro sa Facebook at nakabili ako ng isa. Pagtanggap ko sa libro na sinulat ni F. Sionel Jose ay doon ako nabigla at nalaman na taga-Rosales, Pangasinan pala siya. Mula noon kapag may nagbebenta ng kanyang aklat sa social media ay agad kong binibili basta kaya ng badyet.

Para sa kaalaman ng lahat, narito ang mga iba pang impormasyon tungkol sa buhay ni F. Sionil Jose.

Isa siyang sikat na manunulat sa Wikang Ingles at isang National Artist of the Philippines for Literature na ipinagkaloob sa kanya noong 2001. Siya ay isinilang noong ika-3 ng Disyembre 1924 at namatay noong ika-6 ng Enero 2022 sa edad na 97. Bata pa lamang siya ay kinahihiligan na talaga niya ang magbasa at isa sa naging inspirasyon niya sa pagsusulat ay walang iba kundi si Jose Rizal. Kaya sa kanyang obra maestra na Rosales Saga na binubuo ng limang tomo ay mula sa tema at tauhan ni Jose Rizal ng : Po-on (Source) (1984); The Pretenders (1962); My Brother, My Executioner (1973); Mass (1974); at Tree (1978). Ang mga limang nobela na ito ay isinalin sa 22 na mga wika.

Narito pa ang iba pang mga kilalang nobela na kanyang isinulat: Sin (1973); Ermita (1988); Gagamba (The Spider Man) (1991); Viajero (1993); Ben Singkol (2001); Vibora! (2007); Sherds (2008); Muse and Balikbayan: Two Plays (2008); The Feet of Juan Bacnang (2011). Narito naman ang mga maikling kuwento na kanyang isinulat: Platinum: Waywaya: Eleven Filipino Short Stories (1980); Ten Filipino Stories (1983); Olvidon and Other Stories (1988); Puppy Love and Thirteen Short Stories (1998); at The God Stealer and other Stories (2001).

Tunay ipinagmamalaki natin si F. Sionil Jose bilang isang Pangasinense dahil sa mga karangalan na kanyang mga natanggap gaya ng: Carlos Palanca Memorial Award for Literature (1959, 1979, 1980, 1981); Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts (1980); Chevalier dan I’Ordre des Arts et Letters (2000) at Pablo Neruda Centennial Award (Chile) (2004).

Masasabi natin na siya ay isa sa mga Filipinong manunulat na naabot ang kanyang katanyagan hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi pati sa ibayong dagat.  Bilang pagkilala at pagtangkilik sa  kanyang mga isinulat ang kanyang mga panulat ay isinalin sa 28 na wika gaya ng Korean, Indonesian, Czech, Dutch, Latvian, Russian, at Ukranian.

Kaya nga isa siya sa mga natatanging Pangasinense na itinatampok sa Banaan Museum (Pangasinan Provincial Museum). Ngayon at kilala natin siya ay umpisahan na rin na bumili at magbasa ng kanyang mga isinulat. Malay natin baka kayo ay isa sa mga magmamana ng kanyang katalinuhan sa pagsusulat. Wala itong imposible basta may pananalig tayong makamit ang ating pangarap sa buhay.

No comments:

Post a Comment